Monday, 29 October 2012


SAPI Bulkang paa
 Naransan mo na bang masapian?
Hindi ng masamang espiritu, kundi ng mga pangyayari sa  nakaraan na pilit kang minumulto magpasahanggang ngayon.
Ako, OO, mala-shake rattle and roll 101 ang dating, isang matarik na daan kung saan, pareho lang ang dinadaananmo. Hindi pagbabaliktad ng damit ang lunas, hindi rin kaya ng albularyo,. Perwisyo sa utak, tinik sa damdamin.
Di ko man lubos na maalala, malinaw ang tinig ng sigaw ko nung araw na yun, mabilis ang tibok ng aking dib-dib at matindi ang takot na nararamdaman ko habang mahigpit ang kapit ko sa hawakan ng aming sinasakyan.
ITABI MO! ITABI MO! Paulit-ulit kong sinisigaw ang mga salitang yan, may biglaan at malakas na pagbangga sa likod ko, hanggat sa ang sunod kong naramdaman ay ang paglipad ng aking lamog na katawan sa ere. Matindi ang paglagapak ko sa mabuhanging lupa ng di pamilyar na lugar. Pinilit kong tumayo, ramdam kong buhay pa ko, ngunit ligaw ang diwa ko sa mga pangyayari. Umagos dahan-dahan sa aking sugat na mukha ang malapot na dugo, habang sinisipat ko ang paligid, takot, gulat, pagkamanhid ang dumaloy sa pagkatao ko.
Takot ako. Sira ang lahat ng dala’t masakit ang katawan. Ang pangamba ang pilit na pumapatay sa buhay kong diwa. Nalilito ako. Punit ang damit na tila ginahasa ng higit sa walumpung pagsubok. Kumikirot ang pisikal at emosyonal kong pagkatao. Pinilit kong umiyak, pero walang luhang mailabas ang aking mga mata. Sumigaw ako, nagpasalamat dahil buo pa ko, pero di pa rin mulat sa mga pangyayari. Nakakahilo.
Patay na ba ko? Hindi pa. Hindi pa. paulit-ulit ang mga sigaw sa isipan ko na para bang minulmulto ako ng mga pangyayari. Ang katatakutan ay hindi ko na maintindihan, sinasapian ako ng sarili kong kaluluwa, mahapdi na ang utak ko kakaisip sa mga pwede pang mangyari. Ayan nanaman siya umuulit, sapi? WAG! Heto nanaman ang mga sigaw… KAPIT! Dugo? Patay na ba ko? Salamat. HINDI PA.

No comments:

Post a Comment